Ala maestro sa isang “symphony orchestra” ang mamang naglalako ng pansit-hab-hab sa harap ng Mataas na Paaralan sa aming bayan.
Sakay sa bisikletang kung tawagi’y mercedes benz na may kakabit na mala-aparador na patungan at painitian ng isang-dipang-bilog na lagayan ng lakong pansit-hab-hab.
Namumula sa galit ang sukang sasa na binabaran ng isang dakot na siling labuyo. Paikot-ikot …. pasundot-sundot …. padutdot-dutdot … pabalik-balik na animoy nakikipaglaro ng eskrima ang maestrong mama sa pagsandok at paghalo sa ibabaw ng lakong pansit-hab-hab.
Walang humpay ang maestro habang ako nama’y wala ring puknat sa pagkakatitig sa kapirasong taba ng nagniningning sa balot ng mantika na wari baga’y pusakal na gwardiyado ng matitikas na ilang hiwa ng repolyo sa gitna ng dagat ng hibla ng pansit hab-hab.
Maindayog ang pagsandok ng maestro sa saliw ng hindi-maulinigang musika na tanging ilong lamang niya ang nakakarinig. Sa sipol at indayog ng ulo lamang niya ito mababatid. Wala pa ring humpay ang pagsandok sa pansit hab-hab na lalong nagpapaigting sa impit na pagnanasa sa kapirasong hiwa ng taba. Imbi ang panalangin na nawa’y masundot at makalit ng halos nakatagong tinidor na gamit sa pansandok. Ipit ang laway sa ga-bola ng ping-pong na paglunok. Walang paki ang maestrong mama at tuloy sa pagsandok.
Anupa’t kagyat na hihinto na wari bagay natapos na ang tugtog at gaya ng kurtina sa entablado, maingat na ilalatag ang nasandok na pansit-hab-hab sa kapurat na putol ng berdeng dahon ng saging na tangan naman ng maestrong mama sa kaliwa niyang kamay na may bakas pa ng puyat at pagod sa umagang pag-arenderiya sa nilutong pansit hab-hab.
Mata’y naghahalungkat sa pansit hab-hab na nasandok … ngunit wala sa nasandok … naiwan sa gitna ng ilang gayat ng repolyo at karamihan ng pansit hab-hab. Sadyang mailap ang kapirasong hiwa ng taba. Hindi nasiklot, ni hindi natinag sa haba ng kumpas ng maestro.
Sinapo ko ang dahong apaw sa pansit hab-hab … tangan sa kaliwa, inabot ang long-neck na botelya ng sukang sasa na babad sa siling labuyo …. sa pagkabigo, pinaliguan ang naunsyaming patikim sa kapirasong hiwa ng taba sa pansit-hab-hab ng maestrong mama.
Ano pa! Ang tanging nasambit … sa susunod, humanda ka kapirasong hiwa ng taba … Kagyat … pasipsip … mual sa paghab-hab ng pansit-hab-hab … may kagat ang anghang, may ngiti sa bawat hab-hab, may usal na sanay nakalit ang taba … may pag-asa sa sunod na pagkumpas … humalakhak ang lupa sa tikim ng sukang sasang babad sa siling labuyo na may bahid ng pansit-hab-hab na lako ng maestrong mama. (di pa man tapos sa paghab-hab… antimano … lisaw ang mata sa maestrong mama na may tulak ng nakakangilong-ngipin sa lamig ng natatanging pineapple palamig ….)

