Undas na naman …
Gaya ng nakasanayan, ngayon pa lang, dapulasan na ang mga tao patungo sa sementeryo at bus terminal … bitbit ang kandila at mga bulaklak …
Ako, nagpasyang dumito na lang sa Cebu … magtitirik na lang ng kandila sa altar sa “Twin Hearts” at mag-aalay ng dasal para sa mga nauna nang mga kamag-anak, kaibigan at kakilala.
Halloween Party rin sa lugar namin. “Trick or Treat” at mga palaro para sa mga bata. May ”disco” rin daw at Php30.00 ang entrance o joining free.
Gaya rin dati, naglipana ang mga palabas na kakatakutan sa TV: zombie, ghosts, manananggal, tikbalang, iki, tiyanak at kung anu ano pa. Ako? may reserba akong DVD ng mga Thailand, Bangkok at Japanese horror movies! …
Bakit nga ba mas masarap manood ng mga horror movies pag malapit na o panahon na ng Undas? … may kakaibang pakiramdam nga marahil na parang aali-aligid lang ang mga multo at mga elementals (eto nga’t hindi pa ako nanonood eh, parang naninindig na ang balahibo ko sa balikat at batok … ayos lang, basta ‘wag lang magpapakita ng harapan … na mala-Sadaku …. hehehe).
Mabuti naman at bawal na ang mga alak, malakas na music at mga matutulis na gamit (tindagan ng banana Q at manok na inasal, ipagbawal din kaya? medyo malaki rin kasi eh) sa sementeryo … respeto sa namayapa at iwas gulo at away na rin.
Sabi ni Lola, kwentuhan, takutan at ipon-ng-tulo-ng-kandila lang daw dati ang gawain sa sementeryo pag Undas … may ilang medyo mapangahas … nag i-”spirit of the glass” at “Oujia” pa … hala sige, paano kung mapagaya sa mga bali-balita at sabi-sabi gaya ng mga istoryang sine! Mabuti na ang umiiwas. Ayokong mapa-dyaryo o mabugahan ng laway ng albularyo o ma-tawas … sabi nga, ano ako kili-kili, tatawasin? Ako? ayos na ako sa panonood ng horror movies mamaya.
Sana lang, kung hindi man ako makadalaw sa mga namayapa … ‘wag naman sana na ako ang dalawin nila dito!
Sige at magbubukas pa ako ng ibang ilaw … parang mas madilim yata ngayon sa paligid …

